Perfect match: Babae, pinakasalan ang lalaking nagbigay ng kidney sa kanya

Mga imahe mula sa video ng ABS-CBN

Normal lamang sa mga kalalakihan na magbigay ng singsing na may bato sa kanyang katipan bilang simbolo ng paghingi niya ng kamay nito — ngunit iba ang sa mag-asawa na itinampok sa ASAP LSS, sapagkat ang ibinigay ng lalaki ay ang sarili niyang bato —  o kidney.

Ayon sa ABS-CBN News, hindi umano naging hadlang ang kidney failure o sakit sa bato upang mahalin ni Joel Dela Peña nang buo at tapat ang kasintahang si Rizza.

“Kahit maraming pinagdadaanan si Rizza, nagulat ako na binuksan pa rin niya ang puso niya para sa ‘ming dalawa. ‘Yong sakit niya, hindi hadlang para magka-ibigan kami. Lalo ko siyang minahal, lalo na dapat damayan siya,” wika ni Joel.

Sinuong nila ang isang matinding pagsubok sa buhay nang kailanganin na ni Rizza ng bagong kidney ngunit walang mahanap na katugma sa mga nais magbigay nito sa kanya.

“Sa family ko, walang puwedeng mag-donate. Sobrang depressed po ako… I even informed ang mga kaibigan ko, na baka may isang taong puwedeng mag-save sa buhay ko,” saad ni Rizza.

Matapos magpasuri ni Joel, nalaman nila na ito pala ang tugmang makapagbibigay ng kidney kay Rizza.

“Naging successful ang cross-matching and tissue-typing… perfect match daw po kami,” kuwento ni Joel.

Bread winner daw si Joel sa pamilya kaya tutol ang mga ito sa kanyang gagawin. Gayunman, hindi ito nagpapigil sa pag-donate ng bato sa nobya.

Taong 2011 nang mangyari ang kidney transplant kay Rizza. Matapos maka-recover sa operasyon, hindi nagtagal ay nagpakasal si Rizza kay Joel; ang lalaking nag-alay ng pinakamahalagang uri ng bato na nagdugtong sa kanyang buhay.

“In sickness and in health, magkasama naming hinarap itong pagsubok na ito,” lahad ni Joel.

“Siya ang dumugtong ng buhay ko,” masayang sambit ni Rizza.

Panoorin ang nakai-inspire na istorya ng nagmamahalang hindi nabuwag, in sickness and in health:

I-click ang imahe upang mapanood ang video.
I-click ang imahe upang mapanood ang video ng LSS.
Source :

ABS-CBN