Pinakabagong acoustic group sa segment na ASAP Jambayan, nagpakitang-gilas!

larawan mula sa Twitter ng The Voice Teens

Naging maganda at positibo ang feedback at pagtanggap ng mga manonood sa pinakabagong acoustic group ng ASAP sa bagong segment na ASAP Jambayan na nagpakitang-gilas noong Linggo, Oktubre 15, 2017 sa ABS-CBN Kapamilya Network.

Ang pamagat na Jambayan ay nagmula sa pinagsamang dalawang salitang jamming at tambayan. Ang ASAP Jambayan ay maihahalintulad sa ASAP Sessionistas na kinabibilangan nina Duncan Ramos, Richard Poon, Sitti, Nina, Nyoy Volante, at Aiza Seguerra.

Ang ASAP Jambayan ay kinabibilangan nina Zia Quizon, Kaye Cal, Moira dela Torre, Isabella Vinzon, Migz Haleco at Inigo Pascual na talaga namang pinag-usapan sa social media, lalo na sa Twitter.

Tatlo sa anim na miyembrong ito ang medyo matagal-tagal na rin sa industriya ng pag-awit sa tulong na rin ng kanilang mga magulang sa showbiz at sinalihang paligsahan.

Si Zia Quizon ay anak ng nag-iisang Divine Diva na si Zsa Zsa Padilla at namayapang Comedy King na si Dolphy. Si Kaye Cal naman ay unang nakilala bilang vocalist ng Ezra band na naging grand finalist sa season 1 ng Pilipinas Got Talent. Anak naman ng Ultimate Hearthrob Piolo Pascual si Inigo Pascual na unti-unti na ring nakikilala at gumagawa ng sariling identity niya sa kabila ng kasikatan ng kanyang ama.

Sina Isabella Vinzon, Migz Haleco at Moira dela Torre naman ay masasabing mga bagong mukha at promising na mang-aawit sa industriya ng showbiz.

Si Isabella ay anak ng action star na si Roi Vinzon na unang narinig ang husay sa pag-awit bilang finalist sa The Voice Teens season 3.

Internet sensation naman sa Youtube at sumali noon sa Talentadong Pinoy ng TV5 ang heartrob at kinakikiligang si Migz Haleco na isang Caviteno.

Naging contestant naman ng The Voice of the Philippines season 1 si Moira dela Torre na unti-unting napatanyag dahil sa kanyang kantang “Malaya” na naging theme song ng pelikulang Camp Sawi nina Andi Eigenmann, Bela Padilla, Yassi Pressman, Kim Molina, Sam Milby, at Arci Munoz.

Inaasahang mapapanood ang ASAP Jambayan tuwing linggo ng tanghali sa ASAP.

Panoorin ang naging debut performance ng ASAP Jambayan mula sa YouTube account ng ABS CBN Entertainment: