Pinay na recruiter ng mga terorista sa social media, arestado sa Taguig

Image from NBI

MAYNILA, Pilipinas  –  Arestado ang isang babaeng Muslim na recruiter umano ng mga terorista para sa Maute Group sa Mindanao at maging sa Islamic State (ISIS) sa Syria; ito ay ayon sa Department of Justice (DOJ).

Kinilala ang naaresto na si Karen Aizha Hamidon, dating asawa ni Mohammad Jaafar Maguid, ang lider ng Ansar Khalifa na napatay sa isang operasyon ng military noong Enero. Si Hamidon ay dati rin umanong kinakasama ng Singaporean na si Muhammad Shamin Mohamed Sidek na naaresto sa Singapore noong 2015 dahil sa pagsapi sa ISIS.

Ang suspek ay aktibo umanong nagre-recruit ng mga kasapi gamit ang social media. Siya ay naaresto ng  National Bureau of Investigation (NBI)-Counter  Terrorism Division noong Oktubre 11.

Patunay nito, ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, nang araw na maaresto si Hamidon ay nadiskubre na nagpadala ito ng mga mensahe sa Telegram instant messaging app na nag-iimbita sa ilang tao para sumali sa teroristang grupo.

“She gained international notoriety in the middle of 2016 when she successfully recruited several Indian nationals to come to the Philippines and join the radical Islamic extremist groups in Mindanao,” ani Aguirre.

Sinampahan na ang 36-anyos na si Hamidon ng 14 counts ng “inciting to rebellion” dahil sa paglabag sa Article 318 ng Revised Penal Code at Section 6 ng R.A. 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.

Siya ay kasalukuyang nasa kust0diya ng NBI habang patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad.