PISTON at KMU magsasanib-puwersa sa ikakasang 2 araw na tigil-pasada

Image capture of viceo by ABS-CBN

Nagbanta ng dalawang araw na tigil-pasada ang ilang transport group upang ihayag ang pagtutol sa jeepney modernization program ng pamahalaan.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, pangungunahan ng grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide (PISTON) at Kilusang Mayo Uno (KMU) ang dalawang araw na kilos-protesta na isasagawa sa ika-16 hanggang ika-17 ng Oktubre.

Sinabi ni PISTON National President George Mateo na lalahok sa transport strike ang ilan pang grupo ng mga jeepney drivers at operators mula sa Cagayan, Pampanga, Laguna, Camarines Norte at Mindanao. Hinimok rin niya ang grupong Stop And Go na kamakailan lang ay nagsagawa ng kaparehong pagkilos.

Ang programang modernisasyon ng jeepney ay nakatakdang ipatupad sa Enero ng susunod na taon. Ani Mateo, tila minamadali umano ni Pangulong Rodrigo Duterte ang implementasyon ng jeepney phase out.

Ang panawagan ng mga kalahok sa tigil-pasada ay sa halip daw na i-phaseout ang mga lumang jeepney ay hayaan na lang sila na i-rehabilitate o ipaayos ang mga iyon. Napakamahal umano ng e-jeep na ipapalit sa mga lumang jeepney. Nagkakahalaga ang e-jeep ng P1.6 milyon bawat isa.

 

Source :

ABS-CBN, DWIZ, RMN