Posibleng “resbak” matapos ang pagkakapatay kina Hapilon at Maute, dapat paghandaan

Image from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Dapat paghandaan ng gobyerno ang posibleng ganti ng mga teroristang grupo dahil sa pagkakapatay kina Isnilon Hapilon ng Abu Sayyaf Group (ASG) at Omar Maute ng Maute Group; ito ang payo ng isang mataas na opisyal ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

Ayon kay ARMM governor Mujiv Hataman sa panayam ng ABS-CBN News, hindi dapat maging kampante ang militar kahit pa napatay na ang dalawang lider ng teroristang grupo; bagkus, dapat pang pag-igtingin ang operasyon upang tuluyang malipol ang natitira pang mga bandido.

Dapat ay magsilbi umanong aral sa gobyerno ang pagkakapaslang noon kay Abdurajak Janjalani, na siyang nagbigay-daan para mabuo ang Maute Group.

“Naalala mo nung namatay si ASG (Abu Sayyaf Group) leader Abdurajak Janjalani, akala natin wala na? Pero pumalit ‘yung kapatid na si Khaddafy Janjalani. Pero nung namatay si Janjalani, akala rin natin wala na pero pumalit si Isnilon Hapilon,” paliwanag ni Hataman.

May mga panahon daw kasi na medyo humina ang kampanya ng gobyerno laban sa mga teroristang grupo matapos mamatay ang nasabing lider ng ASG at hindi na ito dapat maulit.

Mas nararapat umano na tuluyan na ngayong lipulin ang natitira pang mga terorista habang mahina ang kanilang pamunuan dahil sa pagkamatay ng dalawang lider.

Subalit nagagalak umano si Hataman na makaraan ang halos limang buwan ay naideklara na ring “liberated” ang lungsod ng Marawi bagama’t kailangan pa ring mag-ingat ng mga sundalo dahil posibleng marami pang IEDs (improvised explosive device) ang nakakalat sa lugar.