Pulis-Baguio, umani ng papuri matapos tulungan ang nasiraang motorista na sinamahan na sa talyer, inihatid pa sa pasyalan

Images from Roan Carreon's post via Facebook

MAYNILA, Pilipinas  –  Sa gitna ng kaliwa’t-kanang hindi magagandang balita tungkol sa mga pulis sa Kamaynilaan, eto naman ang isang kuwento ng isang pulis sa Baguio na tiyak na magpapataba ng puso ng mga netizen.

Ang istorya ay ibinahagi sa Facebook ni Roan Carreon kamakailan lamang tungkol sa isang pulis-Baguio na hindi nagdalawang-isip na tulungan sila matapos masiraan ng sasakyan.

Ayon kay Roan, namamasyal sila noong nakaraang Linggo sa Baguio at papuntang Burnham park nang biglang masiraan ng sasakyan malapit sa SM.

Mabuti na lamang umano at mayroong police car sa malapit na kaagad na nahingian nila ng tulong.

Dahil sarado ang mga Toyota workshop sapagkat Linggo, nagtanong sila sa pulis, na nakilalang si SPO1 Marcos, kung may alam itong talyer o kakilalang mekaniko. Kaagad namang nagpaunlak si SPO1 Marcos at inihatid pa sila sa talyer gamit ang police car.

Hindi umano nag-atubiling iwanan ng mabait na pulis ang kaniyang puwesto para lamang sila maihatid sa mekaniko. Bukod dito, sinamahan din ang kanilang driver na maghanap ng piyesa gamit pa rin ang police car.

At ang nakakatuwa pa, dahil nag-aalala ang pulis na mabagot sila sa kahihintay, inihatid pa umano sila sa Burnham Park para lamang matuloy ang kanilang pamamasyal.

Nakailang balik din umano si SPO1 Marcos para i-check kung okay lang sila at kung gawa na ang sasakyang pinakukumpuni.

Tumanggi rin ang pulis na kunin ang iniaabot nilang pang-miryenda man lamang sana.

“Napakabait na pulis. Sir, maraming maraming salamat po sa inyo, hindi niyo kami pinabayaan,” ani Roan. “Sana dumami pa po ang katulad niyong pulis. May the Lord guide you always, Sir!” pagtatapos ni Roan na sobrang natuwa sa ginawa ni SPO1 Marcos.

Source :

Facebook