Robredo, hindi natitinag sa bantang impeachment laban sa kanya

Image via Facebook page of VP Leni Robredo

Hindi umano natitinag si Vice President Leni Robredo sa mga bantang impeachment na laban sa kanya.

Ayon sa Ikalawang Pangulo, walang katotohanan ang mga paratang sa kanya kabilang na rin ang pagtataksil sa bansa.

Giit pa ni Robredo, hindi siya nababahala dahil kasinungalingan ang mga ito.

Katwiran pa niya na kung walang katotohanan ang mga sinasabi laban sa kanya ay hindi dapat umano mag-alala.

Nito lamang Linggo ay sinampahan ng reklamong impeachment si Robredo dahil sa isyu sa public trust sa isang radio message na ipinadala niya sa United Nations, ayon sa ulat ng Pilipino Star Ngayon.

Ani Atty. Bruce Rivera, ipinagkanulo ni VP Robredo ang public trust matapos nitong ipadala ang video message sa UN Commission on Narcotic Drugs na umuusig sa war on drugs ng pamahalaan.

Bukod pa rito, inakusahan din ni Rivera si Robredo ng maling paggamit sa PAG-IBIG funds noong chairman pa ito ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at noong nag-sponsor ito ng national convention sa Amerika na hindi konektado sa housing.

Samantala, binanggit ni Robredo nitong Setyembre na hindi dapat inaabuso ng Kongreso ang kapangyarihan nito na maghain ng impeachment upang takutin ang oposisyon, ayon sa ulat ng Inquirer.

Aniya: “Impeachment is one of the processes in a democracy, so let us listen. But in my view, it should not be used to incite fear. It should not be used to punish people who are boldly making their voices heard against the government.”