Robredo nag-aalala sa planong pagdeklara ng ‘revolutionary government’ ng administrasyong Duterte

Image from VP Robredo's Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Nagpahayag ng kanyang pag-aalinlangan si Vice President Leni Robredo sa planong pagdeklara ng ‘revolutionary government’ sa gitna ng usap-usapan ng planong destabilisasyon laban sa administrasyong Duterte.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, hindi makatutulong sa gobyerno ang ganitong plano at sa halip ay maghahasik lamang ng takot sa mamamayang Pilipino.

“Nag-aalala tayo na maraming mga paratang na ganito. Tingin ko hindi nakatutulong na magsabi na may destabilization, may pagdedeklara ng revolutionary government kasi nagke-create ito ng fear among people,” ani Robredo sa isang pahayag sa paglulunsad ng kanyang programang “Angat Buhay” nitong Martes.

Ginawa ni Robredo ang naturang pahayag bilang reaksiyon sa sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbabantang magdedeklara ng gobyernong rebolusyunaryo sa gitna ng umano’y planong maghasik ng kagululuhang ng oposisyon at upang supilin ito bago pa man lumala.

Magugunitang inilutang din ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang planong destabilisasyon na iniuugnay sa dalawang araw na kilos-protesta na isinasagawa ng grupong PISTON.

Wika ni Robredo, dapat ay maghinay-hinay ang sinuman sa pagpapalutang ng mga ganitong usapin nang walang basehan dahil maaari lamang itong magdulot ng takot sa publiko.

“Sana iwasan ang pagsasalita nang walang basehan na ang epekto nito… mas maraming masamang naidudulot kesa mabuti,” anang opisyal.

Itinanggi rin ng Bise Presidente na may kaugnayan ang kaniyang partido – ang Liberal Party (LP) – sa mga nasabing akusasyon.