Sa pagkamatay nina Hapilon at Omar Maute, mga residente ng Marawi tila nabunutan ng tinik

Imahe mula sa Twitter account ni Nestor Corales/People's Daily China

Malaya na ang Marawi!

Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nanguna sa pagtataas ng watawat ng Pilipinas sa loob ng main battle area.

“Ladies and gentlemen, I hereby declare Marawi City liberated from the terrorist influence. That marks the beginning of rehabilitation,” ani Pangulong Duterte.

Ang deklarasyon ay kasunod ng pagkamatay nina Omar Maute at Isnilon Hapilon nitong Oktubre 16 sa war zone.

Ipinagdiwang naman ito ng mga residenteng apektado ng bakbakan sa Marawi.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sa pagkamatay nina Hapilon at Omar Maute ay tila nabunutan ng tinik ang mga residente ng Marawi.

Dalangin nila’y tuluyan nang matuldukan ang kaguluhan sa lugar upang manumbalik na sa normal ang kanilang pamumuhay.

Labis namang nagpapasalamat ang mga residente sa katapangan at pagbubuwis ng buhay ng mga sundalo at pulis na nanguna sa operasyon upang  matugis ang mga miyembro ng Maute group na puno’t dulo ng kaguluhan sa lugar.

Mahigit 300,000 Filipino ang lumikas sa Marawi dahil sa digmaan kung saan ito’y ikinasawi ng 824 rebelde, 47 sibilyan at 162 militar.

Samantala ang pagkakapaslang kina Omar Maute at Hapilon ay pangako umano ng kapayapaan at kaunlaran sa Mindanao; ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar.