Sotto sa pagbaba ng trust rating ni Duterte: ‘Patapusin muna ang termino bago hatulan’

Larawan mula kay Tito Sotto via Facebook account at President Rodrigo Duterte via Facebook page

Minaliit  lamang ni Senate Majority Leader Vicente Sotto III ang pagbaba ng satisfaction at trust rating kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi ni Sotto na dapat hatulan ang pangulo pagkatapos ng kanyang termino.

“The question is, where did the drop go? Did it go to disapproval or undecided? Parang hiyawan ng tao ang opinion survey. President Duterte should be judged after his term,” ayon kay Sotto.

“Kung baga sa basketball, matunog palakpakan kung maka-three points o matamlay ‘pag na-agawan. Pero ‘di pa tapos ang game. ‘Yung last score after four quarters ang importante,” dagdag pa nito.

“Baka naman hindi importante sa President ‘yung rating niya; basta ang importante gawin niya ang trabaho niya. May mga Presidenteng ganun eh. ‘Yan ang tinatawag na political will. Kahit hindi popular gagawin mo, dahil tingin mo tama,” ani Sotto.

Samantala positibo naman ang Malacañang na makababawi din ang satisfaction at trust ratings ni Pangulong Duterte sa mga susunod na survey.

Ayon kay  Presidential Communications Secretary Martin Andanar na hindi magtatagal ay makikita din ng publiko ang mga pagsisikap ng pamahalaan para sa pagbabagong inaasasam ng taumbayan.

Inaasahan na umano ng Malacañang ang pagbaba ng rating ng Pangulo dahil tapos na ang “honeymoon period” ng pamahalaan sa publiko na kadalasang tumatagal lamang ng isang taon.