“Termite Gang” umatake sa isang bangko sa Camarines Sur

Image from bancnetonline

MAYNILA, Pilipinas  –  Isa na namang bangko sa Bicol ang nilooban ng tinaguriang “Termite Gang”, ilang araw lang matapos pasukin din ang isang bangko sa Quezon City.

Nitong Lunes, nadiskubre ng bank manager ng United Coconut Planters Bank (UCPB) Savings Bank sa Barangay Poblacion, Libmanan sa Camarines Sur ang isang hukay malapit mismo sa vault ng bangko.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, bandang alas-10:30 ng umaga nang maiulat sa pulisya ang pangyayari, Dito nakita ng mga awtoridad ang hukay sa  loob na tinatantiyang nasa 1 metro ang lalim at 5-7 metro ang haba.

Natunton naman ang pinagmulan ng hukay sa isang katabing apartment na pag-aari ng isang Adelaida Aljeri. Ayon kay Aljeri, isang grupo na binubuo ng 4-5 katao kasama ang isang babae ang umupa sa kaniyang unit mga dalawang linggo na ang nakararaan.

Balak daw gawing computer shop ang puwesto, ayon sa kanilang pag-uusap at negosasyon.

Nitong weekend, narinig umano ng mga tao sa katabing bahay ang mga pukpok at ingay sa loob ng naturang apartment subalit hindi nila ito pinansin. Hinala ng pulisya, Linggo pa nakapasok at nakapagnakaw sa bangko ang mga kriminal.

Nadiskubre din sa loob ng apartment ang ilang gamit na kinabibilangan ng jackhammer, acetylene tank, electric grinder, lagari, crowbar at maduduming damit.

Samantala, isang tricycle driver naman ang nagkuwento sa mga pulis na may sumakay sa kanyang tatlong lalaki na may bitbit na sako Lunes ng madaling araw at nagpahatid sa national highway ng Barangay San Isidro kung saan dumaraan ang mga bus papuntang Maynila.

Tumanggi naman ang UCPB Savings na isiwalat kung magkano ang nanakaw na pera mula sa kanila habang iniimbestigahan pa ang insidente.

Noong nakaraang linggo, nabiktima rin ng “Termite Gang” ang China Bank sa Commonwealth Avenue sa Quezon City. Nahuli naman kaagad ang mga suspek makalipas ang ilang araw.