Transport strike, hindi bahagi ng planong ‘destabilisasyon’ laban sa gobyerno – PISTON

Image from Workers' Alliance in Region III - WAR 3 - KMU Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Mahigpit na pinabulaanan ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operator Nationwide (Piston) ang paratang ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bahagi ng planong destabilisasyon ang dalawang araw na tigil-pasada na isinagawa ng mga transport group sa buong bansa.

Ayon kay PISTON national president George San Mateo, isang malinaw na paglilihis sa tunay na isyu ang pagpapalutang ng LTFRB ng nasabing alegasyon.

Nilinaw ni San Mateo na ang tunay na pakay ng kanilang kilos-protesta ay upang kontrahin ang planong ‘PUV modernization program’ ng kasalukuyang administrasyon na tiyak na lalo umanong magpapahirap sa mga maliliit na operator at tsuper ng dyipni.

“Alam nila mismo na ‘yung programa nila magtatanggal ng kabuhayan kaya alam talaga nila anumang asosasyon ng mga driver, anomang pederasyon ‘yan lalahok sila massively sa protesta ma ‘to at ‘yun ang in-anticipate nila,” ani San Mateo sa isang panayam.

Sa paratang naman ng LTFRB na bahagi ng planong paghahasik ng kaguluhan ang kanilang transport strike, iginiit ni San Mateo na isang ‘diversionary tactic’ lamang ito ng gobyerno para malihis ang isyu.

Maglabas ng ebidensya

Magugunitang isiniwalat ni LTFRB board member at spokesperson Aileen Lizada na nakatanggap sila ng impormasyon na ang nasabing dalawang araw na kilos-protesta ay bahagi ng isang ‘destabilization plot’.

“We are receiving reports that the transport strike led by PISTON will be supported by other left-leaning groups allegedly the plot is to destabilize government,” ani Lizada.

Para naman kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) Secretary General Renato Reyes Jr., dapat maglabas ng ebidensiya si Lizada para patunayan ang kaniyang alegasyon at hindi puro tsismis lamang.

“Ang payo natin kay Atty. Lizada, ‘wag niyang guluhin ang issue, harapin nila ‘yung talagang mga problemang matagal nang iginigiit ng mga tsuper, hindi ‘yung mga tsismis tungkol sa destabilization,” ani Reyes sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes.