Trillanes, nag-file na ng ethics complaint laban kay Gordon

Imahe mula sa Balita Philippine Newspaper Tabloid Facebook page.

Nag-file na ng ethics complaint si Sen. Antonio Trillanes laban kay Sen. Dick Gordon matapos ang mainit nilang pagtatalo sa isang pagdinig sa Senado mahigit isang buwan na ang nakararaan.

Nagpasa si Trillanes ng 27-pahinang reklamo sa Senate Committee on Ethics and Privileges noong tanghali ng Huwebes, Oktubre 19, 2017.

Matatandaan na nagkainitan ang dalawang mambabatas sa isang pagdinig sa Senado hinggil sa P6.5 bilyong shabu na naipuslit papasok sa Pilipinas.

Sa isang artikulo ng Manila Bulletin, binanggit ni Trillanes sa kanyang reklamo ang “malicious utterances” umano ni Gordon sa Senate Blue Ribbon committee’s August 31 inquiry.

Nagtalo sila dahil sa mosyon ni Trillanes na imbitahan si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte at bayaw niyang si Manases  Carpio.

Ang pahayag ni Gordon na ginagawa niyang “sabungan ng tsismis” ang Senado, saad ni Trillanes, ay tirada sa kanya, at ito umano ay “malinaw na oral defamation o slander.”

Binanggit din ng mambabatas sa kanyang reklamo ang “atake” sa nakakulong na si Sen. Leila de Lima. Naganap umano ito matapos payagan ni Gordon na umalis ang testigong si Edwin Matobato sa Senado upang maitago ang mga ebidensya.

Gayun din, binantaan din umano ni Gordon ang mga miyembro ng oposisyon ng “contempt” sa mga pagdinig sa Senado.

Si Gordon ay wala pa ring komento sa reklamong inihain ni Trillanes laban sa kanya.