Trillanes sa 80% approval, trust rating ni Duterte sa  Pulse Asia survey: ‘Palagay ko nagkamali sila’

File Photo

Duda si Senador Antonio Trillanes IV sa resulta ng bagong Pulse Asia Survey kung saan nakalikom ng 80 porsiyentong approval at trust ratings si Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa third quarter Pulse Asia survey na isinagawa noong Setyembre 24-30, lumalabas na si Pangulong Duterte ay may kabuuang 80% approval at trust rating.

Ayon sa ulat ng Abante Tonite, sinabi ni Trillanes na maaaring nagkamali sa sampling method ang Pulse Asia kaya’t nakakuha ng mataas na puntos ang Pangulo.

“Palagay ko nagkamali sila, it’s either sa sampling method or sa research work mismo,” ayon kay Trillanes.

“Malay n’yo nakomprumiso ‘yung mga researchers nila, malay mo ginawa lang sa ilalim ng puno ‘yung mga sagot,” dagdag pa nito.

Para sa Senador, imposibleng hindi nabago ang opinyon ng tao simula noong Hunyo gayong maraming isyung kinakaharap ang Pangulo.

“Imposibleng walang nagbagong opinyon simula June na wala pang mga issue at ngayon na sandamakmak na ‘yung issue,” ani Trillanes.

Wika pa ni Trillanes, hindi lamang ito ang unang pagkakataon na  nagkamali ang Pulse Asia lalo na sa pagkakaiba ng kinalabasan ng kanilang survey.

“This is not the first time na nangyari ‘yan, remember nung 2007 namiss nga ako nung Pulse Asia eh na talo daw ako. Kumbaga ang laki nung diperensiya noon kaya hindi first time na nagkamali ang Pulse Asia na ‘yan,” saad pa ni Trillanes.