Trillanes sa pagbasura ng SC sa petisyon ni De Lima: ‘Maliwanag ang manipulasyon ni Duterte’

File photo

Ikinalungkot ni Senador Antonio Trillanes IV ang pagbasura ng Korte Suprema sa hiling ng kampo ni Senador Leila de Lima na ipawalang-bisa ang warrrant of arrest laban sa kanya hinggil sa mga kasong isinampa kaugnay sa pagkakasangkot umano nito sa paglaganap ng ilegal na droga sa New Bilibid Prison.

Ayon sa Twitter post ng Supreme court PIO nitong Oktubre 10, nitong Oktubre 10, sa botong 9-6, ibinasura ng Korte ang petisyon ni De Lima na ipawalang-bisa ang kanyang pagkakaaresto sa isa sa tatlong kasong may kaugnayan sa droga na isinampa laban sa kanya  dahil sa kakulangan ng merit nito.

Ayon kay Trillanes, ang desisyong ito ng korte ay patunay na kontrolado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang tatlong sangay ng gobyerno; ang lehislatura, ehekutibo at ang hudikatura.

Nanghihinayang din umano si Trillanes sapagkat  ang desisyong ito ng Korte ang mistulang magsasa-legal sa ginagawang political persecution laban kay De Lima, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Giit pa ni Trillanes, maliwanag ang ginagawang manipulasyon ni Duterte sa tatlong sangay ng gobyerno kung kaya’y dapat lamang na tindigan ito at tutulan.

Samantala, pinayuhan naman ni Senador Franklin Drilon si De Lima na maghain ng motion for reconsideration upang mabaligtad ang naunang resolusyon ng mga mahistrado.