Viral video: ‘Baby Shark’ version ng Marawi soldiers, umantig ng puso ng netizens

Imahe mula sa video ng Facebook page na Rodrigo Duterte 16th President

Ilang araw bago tuluyang ideklara ni Pangulong Duterte ang paglaya ng Lungsod ng Marawi, gumawa ng sariling bersyon nila ng popular na sayaw na “Baby Shark” ang ilang sundalong nasa nasabing lungsod upang makapaglibang sa kabila ng hamon ng labanan. Bukod sa nakakaaliw ito — ay umani pa ang mga kawal ng pagmamahal at respeto mula sa mga Facebook (FB) users.

Ibinahagi ng FB page na Rodrigo Duterte 16th President ang nasabing video, kasabay ng pagpapahayag ng pagsaludo sa mga sundalong nagpapakatatag upang makamit ng kanilang mga kababayan ang kasarinlan.

“Nakakaaliw naman tingnan ang ating mga sundalo na sumasayaw ng Baby Shark. Ito ay nagpapakita lamang ng kanilang katatagan na kahit gaano pa kahirap at kamapanganib ang sitwasyon nila sa Marawi ay nakuha pa rin nilang magsaya at ngumiti para mapataas ang moral ng bawat isa. Saludo kami sa inyo, mga tropa,” wika ng FB page.

Sa comments section ng nasabing video, marami rin ang nagpahayag ng pagmamahal, pagsaludo, at paghanga sa mga sundalo na ipinakita raw ang ugali ng mga Pilipino na gaano man kabigat ang pagsubok ay nagagawa pa ring ngumiti at maging masaya.

“‘Yan ang Pilipino! Sa hirap at sa ginhawa, sa gulo o sa kapayapaan’ may time pa rin para tumawa at magsaya. Ingat po kayo. The Lord God be with u all!” ani JS.

“Nasa Afghanistan ako ngayon so I know kung gaano kalungkot at kapanganib ang sitwasyon sa Marawi pero nagagawa pa rin magsaya at ngumiti. I’m happy to see these soldiers having fun. I salute all if you. God bless po sa inyong lahat. Mabuhay ang Pilipino,” wika ni RGA.

“I-save ko nga. Pagtanda ko, makita ko pa na year 2017 sa Marawi may ganitong kasiyahan ang mga sundalong Pilipino. Kahit mahirap sa labanan. Mabuhay kayo ingat po,” sabi naman ni VW.

As of posting, nakakuha na ng mahigit 2.9 milyong views, 124,000 reactions, at 80,000 shares ang nasabing video. Narito ang video:

Source :

Facebook