“Wansapanataym” nominado sa International Emmy Kids Awards bilang Best TV Movie/Mini Series

Imahe mula sa video ng Random Republika sa YouTube

Nominado ang “Wansapanataym”, ang pinakamahabang children tv series ng ABS-CBN Kapamilya Network sa 2017 International Emmy Kids Awards para sa kategoryang Best TV movie/mini series na inihayag ng International Academy of Television Arts and Sciences noong Lunes, Oktubre 16, 2017.

Kinilala ng prestihiyosong award-giving body ang husay ng pagkakagawa sa isang episode nitong pinamagatang Candy’s Crush sa direksyon ni Andoy Ranay na umere noong Hunyo 2016; tampok ang isa sa mga love team ng Kapamilya network na sina Loisa Andalio at Jerome Ponce.

Ang “Wansapanataym” ang kaisa-isang tv show sa Pilipinas na naging nominado sa International Emmy Kids Awards. Makakatunggali nito ang mga sikat na tv show sa ibang bansa tulad ng “Alleen op de Wereld” (Nobody’s Boy) mula sa Netherlands, “Hank Zipzer’s Christmas Catastrophe” mula sa United Kingdom, at “Little Lunch” mula sa Australia.

Nagsimulang umere ang Wansapanataym noong 1997 hanggang 2005 tuwing Linggo ng gabi at muling ipinalabas ang mga lumang episode mula 2006 hanggang 2007 araw-araw tuwing umaga. Noong Setyembre 11, 2010, muli itong umere sa ABS-CBN weekend primetime block tampok ang mga bagong episode, bagong kuwento, sa pagganap ng mga sikat na artista.

Ayon sa nailathalang balita ng Hataw! Dyaryo ng Bayan noong 2016, humataw nabg husto sa ratings ang  episode na Candy’s Crush na nakapagtala ng 37% na tumagal mula Hunyo 26 hanggang Agosto 7, 2016.

Umikot ang istorya sa sa campus heartthrob na si Paolo (Jerome Ponce) na pantasya ng mga kababaihan na ginayuma ni Candy (Loisa Andalio) gamit ang love spell book na binigay sa dalaga ng matandang kanyang tinulungan.

Subalit imbes na makaganti at ma-in love sa kanya si Paolo, sa kaibigan ni Candy na si Amanda (Amy Nobleza) napunta ang gayuma at siya ang kinahumalingan ng binata. Diyosa sa kagandahan ang tingin ni Paolo kay Amanda na inabuso naman ng huli at pati ang kaibigang si Candy na concerned sa kanya ay madalas niyang pinaiinggitan.

Nagtapos ang ilusyon nito nang dumalo siya sa birthday party ng ina ni Paolo na isang ex-beauty queen (Maria Isabel Lopez) at tinanggal sa kanya ng matanda ang love potion na kasama ni Candy sa party noong mga oras na ‘yon.

Nang sumambulat ang katotohanan kay Paolo na niloko at pinaikot siya ni Amanda,  nagalit siya rito maging kay Candy at kung anu-anong masasakit na salita at pang-aalipusta ang ginawa niya sa magkaibigan. Hindi ito pinalampas ng matanda kaya tinuruan niya ng leksyon ang binata at ginawa niyang pangit sa paningin ng lahat at maging ang pamilya niya ay hindi siya nakikilala.

Si Candy lamang ang nakaunawa sa kanya hanggang sa nawala ang sumpa.

Bukod sa Wansapanataym, nominado rin ang pinakamahabang tv newscast na TV Patrol sa International Emmy Awards for news and current affairs noong Agosto gayundin ang aktor na si Zanjoe Marudo sa kanyang pagganap bilang amang nanirahan at nagpalaki ng mga anak sa isang kuweba matapos masalanta ng bagyo ang kanilang bahay.

Ihahayag ang mga magsisipagwagi sa International Emmy Awards sa Nobyembre 2017 sa New York habang ang mga mananalo naman sa International Emmy Kids Awards ay sa Abril 10, 2018 na gaganapin sa Cannes, France.

Samantala, panoorin ang trailer ng Wansapanataym presents “Candy’s Crush:”