Xander Ford: Sorry po, Tito Ogie, susundin ko po ang mga payo ninyo

Mga imahe mula sa Facebook pages na The Ogie Diaz Talents at Xander Ford PH - Marlou Arizala

Humingi ng tawad ang internet sensation na si Xander Ford sa aktor, host, at talent manager na si Ogie Diaz.

Sa isang Facebook post, binawi ni Xander ang alegasyong panghuhusga at paninira umano sa kanya ni Ogie.

“Lesson Learned. Nakausap po ng mga managers ko kanina si Tito Ogie Diaz tungkol po sa issue. Sorry po Tito Ogie kasi may mga nasabi po ako sa post ko kagabi na ‘di naman dapat sabihin at makakasakit sa damdamin mo…. Salamat po sa advice. Sorry po ulit,” wika nito.

Aniya, nasaktan lamang din siya sa mga sinabi ni Ogie kaya niya nagawa iyon. Gayunman, noong naglaon ay naunawaan niya na inaalala lamang din siya nito at napagtanto na makatutulong sa kanyang paglago ang mga payo nito.

“Nasaktan din ako sa mga ibang nasabi niyo sa ‘kin. Pero binasa ko po mabuti post mo ngayon at naramdaman ko naman po na concerned ka lang din sa ‘kin. Susundin ko po ang mga payo n’yo at payo ng mga managers ko dahil ‘yon ang tama,” pahayag ni Xander, na kilala noon bilang si Marlou Arizala na miyembro ng Hasht5.

Samantala, nilinaw din niya na sadyang malakas lamang ang boses niya kaya inaakala ng iba na nagtataas siya ng boses.

“Pero po ipagpaumanhin n’yo po at sa mga ibang tao kung ang tingin n’yo nagtataas po ako ng boses dahil natural ko pong boses medyo malakas at basag,” sabi niya.

Ipinangako ni Xander na pagsisikapan pa niyang mapabuti ang kanyang sarili upang matanggap na siya ng mga taong hindi nauunawaan ang tunay niyang ugali,,

“Dodoblehin ko po ang effort ko na mabago lahat ng dapat ayusin para na rin matanggap din ako ng mga taong nami-misunderstand ang ugali ko,” wika niya.

Noong Biyernes, Oktubre 6, inihayag ni Ogie  ang kuwento ng mga kaibigan niyang nasaksihan umano ang pag-aastang “mayabang” at ang hindi magandang pag-uugali ni Xander. Nangyari raw ito nang tumungtong si Xander sa ABS-CBN compound para sa taping ng Gandang Gabi Vice.

Kinabukasan, Oktubre 7, ay naglabas si Xander ng hinaing laban sa mga pahayag ni Ogie.

Pinanindigan naman ni Ogie na totoo ang kanyang mga isiniwalat. Pinayuhan niya si Xander na “always practice humility” upang maging positibo ang dating nito sa tao.

Source :

Facebook, PEP