5 tripulanteng Pinoy na dinukot ng ASG noong Oktubre, nailigtas sa Tawi Tawi

Image capture from Google Maps

MAYNILA, Pilipinas  –  Nailigtas ng militar ang limang Pinoy na tripulante ng isang fishing boat na kinidnap ng bandidong grupong Abu Sayyaf sa bandang Sulu noong nakaraang Oktubre.

Kinilala ang mga nailigtas na sina Vergel Arquino, Joshua Ybanez, Emo Fausto, Junald Minalang at Cipriano Sardido, mga residente ng Pagadian City maliban kay Arquino na taga-Davao City.

Sila ay mga tripulante ng  Fishing Boat Danvil 8 na dinukot ng Abu Sayyaf Group noong Oktubre 14 sa may baybayin ng Poblacion Simbahan, Pangutaran, Sulu.

Ayon kay Western Mindanao Command Navy commander Rear Admiral Rene Medina nailigtas ng militar ang mga biktima sa Sugbay Island, Languyan, Tawi Tawi bandang ala-1:30 ng hapon noong nakaraang Biyernes.

Masuwerteng may kaluwagan umano ang mga nagbabantay sa mga bihag dahil umiiwas ang mga ito bunsod na rin sa tuloy-tuloy na operasyon ng tropa ng gobyerno sa lugar.

“The timing was critical since the captors may shoot the victims if they will know about the plan. However, the troops were able to lead them to safety through their contacts, thus this rescue,” kuwento ni Median.

Pinapurihan naman ni Western Mindanao Command Commander Lieutenant General Carlito Galvez Jr. ang grupo ni Medina dahil sa pagkakaligtas nito sa limang bihag.

Ayon pa kay Galvez, humingi ng P5-M ransom ang ASG kapalit ng kalayaan ng mga biktima subalit walang naibigay ang kanilang pamilya dahil mahihirap lamang ang mga ito.