Alden Richards, pinagkaguluhan ng mga babaeng mambabatas sa “Garage Sale for a Cause” sa kamara

Image capture of video by Enchos Tube

Hindi magkamayaw sa tuwa ang mga babaeng mambabatas, mga staff sa kamara at ilan pang mga dumalo sa ginawang “Garage Sale For A Cause” sa Southwing lobby ng House of Representatives nitong Miyerkules, ika-22 ng Nobyembre, sa pagdalo ni Alden Richards sa nasabing fundraising event.

Dahil sa “kaguluhan” ay nanawagan pa ang emcee ng event sa mga dumalo sa garage sale na maging mahinahon at panatilihin ang kaayusan.

Ayon sa Radyo Inquirer, bukod sa dabarkads na si Alden, dumalo rin sa PamasCONG Handog: Garage Sale for a Cause Part 2 ang singer na si Pops Fernandez at aktres na si Shaina Magdayao.

Ang fundraising event ay proyekto ng Association of Women Legislators Foundation Inc. na pinamumunuan ni Deputy Speaker Linabelle Ruth Villarica. Kabilang sa mga mabibili sa garage sale ay ang mga pre-loved na gamit ng mga mambabatas tulad ng mga gown, alahas at iba pa.

Ang kikitain sa garage sale ay mapupunta sa pamilya ng mga nasawing sundalo sa Marawi.