Ang kamangha-manghang annual migration ng milyun-milyong red crabs sa Australia

Image from Christmas Island Tourism Association

Milyun-milyong red crabs ang nag-martsa mula sa kanilang mga lungga sa loob ng kagubatan patungo sa Pacific Ocean sa Christmas Island, Australia kung saan iluluwal ng mga babaeng alimango ang kanilang mga itlog.

Ang taunang migration ay kagila-gilalas at kahanga-hangang pagmasdan kaya dinarayo ito ng mga turista.

Ayon sa website na Christmas Island Tourism Association, tinatayang nasa pagitan ng 40-50 milyong red crabs ang naninirahan sa nasabing isla.

Taun-taon ay pansamantalang isinasara ng lokal na pamahalaan ang mga kalsadang dinaraanan ng mga ito upang hindi masagasaan ng mga motorista at ligtas na makarating sa karagatan. May mga tulay rin silang ginawa para lang sa mga kulay pulang alimango.

Nauuna ang mga lalaking alimango na magtungo sa karagatan at doon nila hihintayin ang mga babaeng alimango na mangingitlog. Makikilala ang mga female red crabs sa malaking egg sac na nasa bahaging ilalim nila. Naglalaman ng libo-libong itlog ang bawat egg sac.

Matapos mangitlog ay muling magbabalik sa kanilang mga lungga ang mga red crabs. Samantala, ang mga mumunting red crabs mula sa napisang itlog na aabot din sa milyon ang bilang ay magsasagawa ng siyam na araw na paglalakbay upang marating ang lungga sa kagubatan.