Bato puwedeng tumakbong senador sa 2019 – Pacquiao

Image from Ronald "Bato" Dela Rosa Supporters Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Kung si Senador Manny Pacquiao ang tatanungin, isa sa Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa itinuturing niyang kuwalipikado para tumakbong senador sa darating na 2019 election sa ilalim ng PDP-Laban.

Ayon pa kay Pacquiao, depende pa rin umano ito kay Dela Rosa kung talagang desidido itong pasukin ang pulitika pagkatapos ng kanyang termino bilang PNP chief.

“Well para sa akin si General Bato, puwedeng magserbisyo ‘yan, nakita naman natin ‘yung sinseridad to serve. Nandiyan ‘yung totoong puso niya. ‘Yan kung magdesisyon siya,” ani Pacquiao nang tanungin kung sino ang sa akala niya ay puwedeng maging kandidatong senador ng kanyang partido.

Nauna nang nagpahayag ng interes si Dela Rosa sa pagtakbo bilang senador sa darating na halalan, subalit wala pa umano itong nababanggit kay Pacquiao kung desidido nga talaga siyang maging mambabatas.

Para naman sa posibilidad na makasali sa line-up ng PDP-Laban si PCOO Assistant Secretary Mocha Uson, sinabi ni Pacquiao na hindi niya puwedeng husgahan ang isang tao kung kwalipikado nga ito.

“Matalino naman ‘yan. May pinag-aralan iyong tao, huwag natin siyang i-judge at gusto niyang magserbiyso sa bayan,” paliwanag ng sikat na boksingero.

“Sa tingin ko, kung buong puso, taos-puso mag-serbiyso eh. Makakatulong namin. Importante kasi totoo, hindi iyong plastic,” dagdag pa nito.

Kamakailan, biniro din ni Senador Juan Miguel Zubiri si Dela Rosa at tinawag itong “Senador Bato” sa kanyang talumpati sa  25th Defense and Sporting Arms Show.

Ayon pa kay Zubiri, niloloko niya si Dela Rosa at sinasabihang may nakahanda nang upuan sa kanya sa Senado, na ikinatawa na lamang ng PNP chief.