Bilyonaryong Russian, uunahan ang NASA sa pagdiskubre ng alien life sa Saturn moon na Enceladus

Image from NASA

Nais ng isang bilyonaryong Russian na maunahan ang National Aeronautics and Space Administration (NASA) sa pagdiskubre ng extraterrestrials o alien life.

Ayon sa ulat ng Newsweek, nakatuon ang paningin ni Yul Milner sa Enceladus, isa sa napakaraming buwan ng planetang Saturn, kung saan maaari umanong umiral ang buhay.

Sa pananaliksik ng NASA, naobserbahan na ang Enceladus na nababalutan sa yelo ay may malalaking geysers o vents kung saan bumubulwak ang mainit na tubig. Kung ang mga kaparehong vents na nasa Earth ay umaakit ng mga microorganisms, maaari din umanong mangyari ang ganoon sa Enceladus.

Nais ni Milner na gawin ang kanyang proyekto sa lalong madaling panahon upang maunahan ang NASA sa pagdiskubre ng alien life. Ayon sa kanya, maaaring abutin pa ng sampung taon bago makapagpadala ng misyon sa Enceladus ang NASA dahil sa kakapusan sa pondo.

Plano ng bilyonaryo na magpadala ng “probe” sa Enceladus sa hangarin na makatuklas ng microorganism mula sa mga mainit na tubig na ibinubuga ng mga geyser sa nasabing buwan.

 

Fact-checked against the following source(s) :

Newsweek, Yahoo News, BGR