Biyahe ng “MMDA Alalay sa MRT3” bus, bumilis matapos ang mahigpit na pagpapatupad ng “yellow lane’ sa EDSA

Image capture of video by GMA News

Bumilis ang biyahe ng bus na umaalalay sa mga pasahero ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT3) mula nang pairalin ang mahigpit na pagpapatupad ng “yellow lane” policy sa EDSA na nagsimula noong Lunes, ika-2o ng Nobyembre.

Ayon sa Radyo Inquirer, wala pang isang oras ang biyahe ng “MMDA Alalay sa MRT3” P2P bus number 1 mula sa Quezon City hangang sa Ayala Avenue sa Makati City.

Umalis ang naturang bus sa North Avenue ng Alas 6:16 ng umaga at nakarating sa Ortigas Station ng 7:01 ng umaga at alas 7:12 ng umaga sa Ayala Station. Tumagal lang ang biyahe ng 56 minuto. Mas mabilis naman ang naging biyahe ng bus no. 2 na tumakbo lang ng 53 minuto.

Ang “MMDA Alalay sa MRT3” bus ay isang opsyon para sa mga pasahero ng MRT3 na ayaw pumila ng matagal upang makasakay sa tren.

Samantala, halos anim na raang mga sasakyan ang hinuli matapos lumabag sa “yellow lane” policy. Sa ilalim ng polisiya, tanging mga bus, P2Ps (peer-to-peer bus), emergency vehicles ang maaaring dumaan sa yellow lane. Bawal pumasok doon ang private cars at taxicab maliban na lang kung kakanan sila upang makalabas ng EDSA. Gayundin, bawal lumabas ang mga bus sa yellow lane.