CJ Sereno nakahandang humarap sa Senado para sa impeachment proceedings

Image from Times of News

MAYNILA, Pilipinas  –  Bagama’t nalulungkot sa pagtanggi ng Kamara na tanggapin ang mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno bilang kanyang kinatawan sa ginanap na hearing, handa naman umanong humarap sa Senado ang pinakamataas na mahistrado sa bansa.

Sa isang pahayag mula sa isang abogado ni Sereno na si Atty. Josa Deinla, isang hindi magandang pangyayari ang patuloy na pagmamatigas ng Mababang Kapulungan na piliting humarap sa kanila ang Chief Justice.

“This is a sad day for justice in this country that the Chief Justice, who has fought steadfastly to uphold the Constitution and the right of the citizens, has now been denied her own constitutional rights,” ani Deinla.

Ganunpaman, handa umanong humarap sa Mataas na Kapulungan si Sereno kung saan ito umaasang igagalang ang kanyang mga karapatan.

“The Chief Justice is eager to defend herself consistent with her rights and looks forward to her trial before the Senate, where she is hopeful her rights will be fully respected,” dagdag pa ni Deinla.

Nitong Miyerkules, tuluyang ibinasura ng House justice committee sa botong 30-4 ang mosyon ng kampo ni Sereno na humihiling na payagan itong katawanin siya ng kanyang mga abogado sa pagdinig sa Kamara.

Paliwanag pa ni Deinla, ang ginawa ng mga mambabatas sa Kamara ay isang malinaw na paglabag sa kanilang sariling House rules – ang Section 13(2) ng House Rules of Procedure Governing Inquiries in Aid of Legislation na nagsasabing: “The participation of counsel for the witness during the hearing and while the witness is testifying shall be limited to advising on the legal rights of the said witness.”

“It is difficult to understand how this rule can defeat the rights of the Chief Justice to counsel when this right is enshrined not only in the very Rules or Procedure on Impeachment but in the Constitution itself that is read into such rules,” ayon pa sa abogado ni Sereno.