‘Di lang siguro ‘delicadeza’: Poe duda na may ibang dahilan sa pagbibitiw ni Chavez sa DOTr

Image from Sen. Grace Poe's Facebook account/ 8 TriMedia DZRJ 810 AM Radio Facebook post

MAYNILA, Pilipinas  –  Maaaring hindi lang ‘delicadeza’ ang nagtulak kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary for Rails Cesar Chavez para magbitiw sa kanyang puwesto; ito ang paniniwala ni Senador Grace Poe.

Ayon kay Poe, chairperson ng Senate committee on public services, bagama’t nirerespeto niya ang  ‘sense of delicadeza’ ni Chavez, hindi siya naniniwalang ito lamang ang tanging dahilan ng kanyang pagbibitiw.

“He seemed to be one of the DOTr officials who was determined to fully address all the issues plaguing the [MRT]. I recall he was instrumental in unearthing the persons involved in anomalies that caused these issues,” ani Poe sa isang pahayag.

Magugunitang inanunsiyo ni Chavez ang kanyang biglaang pagbibitiw nitong Huwebes ng umaga, sa gitna ng sari-saring problema at kontrobersiya sa MRT 3.

“I hope the President understands that in the light of recent events involving the MRT3 System, simple sense of delicadeza which I have adhered to throughout my professional life gives me no choice but to resign from my said position,” ani Chavez sa kanyang resignation letter.

Para kay Poe, panahon na para bigyan ng kaukulang pansin ang pamunuan ng MRT at ang tambak na problema nito na sinasalo ng mga kawawang commuters araw-araw.

Umaasa rin ang senadora na makahahanap si Pangulong Rodrigo Duterte ng makapapalit kay Chavez na makareresolba sa isyu.

“I hope the President finds someone able and willing to take up the cudgels that Usec. left behind in order to finally ensure the safety and convenience of the riding public,” wika pa ng mambabatas.