Duterte, planong iproklamang terorista ang NPA

Image from PCOO Facebook page

Plano umano ni Pangulong Rodrigo Duterte na iproklamang terorista ang New People’s Army (NPA).

Ito ang sinabi ng Pangulo sa pagharap niya sa mga mangingisda, magsasaka at mga empleyado ng Department of Agriculture (DA) sa Davao City.

Paliwanag ng Punong Ehekutibo, kung dati raw ay kinilala niya ang mga NPA bilang ‘legitimate rebels’, ngayon ay itinuturing na niya na terorista ang mga ito.

Ito ay hinggil sa sunod-sunod na krimen na kinasangkutan ng mga NPA.

Nitong Nobyembre 9, 2017, may namatay na sanggol sa pananambang ng mga NPA sa Talakag, Bukidnon, ayon sa ulat ng 24 Oras Weekend.

Mabibigat na kaso rin ang isasampa ng gobyerno laban sa NPA tulad ng arson, murder at marami pang iba dahil sa naging pahayag ng Commander-in-Chief na ang mga NPA ay itinuturing na niya na mga kriminal, ayon sa ulat ng Bombo Radyo.

Sinang-ayunan naman ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Pangulo na tawaging terorista na ang rebeldeng NPA, ayon sa ulat ng News Portal.

Ani AFP Spokesman Gen. Restituto Padilla, maituturing nang teroristang pangkat ang NPA dahil umano sa mga inilunsad nito na criminal activities.

Ayon pa sa opisyal, ginawa na raw ng gobyerno ang lahat upang makipag-usap sa pangkat.

Aniya: “Government has done its part and negotiated with sincerity. We totally agree with the Commander-in-chief in calling the NPAs terrorists because it is clearly reflected in the numerous criminal/lawless terrorists acts that they have been committing against defenseless and innocent civilians.”

Samantala, taong 2002 nang ilagay ni dating US secretary of state Colin Powell ang Communist Party of the Philippines (CPP)-NPA sa listahan ng foreign terrorist organizations ng Amerika.

Paliwanag ni Powell, ito ay dahil layon ng NPA na magpatalsik ng gobyerno sa paraan ng Guerrilla warfare.

Panoorin ang iba pang detalye sa mga video na ito mula sa GMA News: