Ika-3 bahagi ng dagdag-sahod para sa gov’t workers, matatanggap na sa Enero 2018 – DBM

Budget Sec. Benjamin Diokno| Image from DBM Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Isang magandang balita ang bubungad sa mga empleyado ng gobyerno sa susunod na taon. Ito ay makaraang ianunsiyo ng Department of Budget and Management (DBM) na ire-release na ng pamahalaan ang ikatlong bahagi ng ipinangakong salary increase para sa kanila.

“We have set aside P24 billion for the third tranche of salary standardization law, which would benefit 1.2 million government workers,” ani Budget Secretary Benjamin Diokno sa isang forum nitong Miyerkules.

Mare-release umano ito sa buwan ng Enero sa susunod na taon, ayon pa sa kalihim.

“The third tranche will effectively increase the compensation package of all civilian employees in the Executive, Legislative, and Judicial branches; employees in constitutional commissions and offices, state universities and colleges,” paliwanag ni Diokno.

Ayon pa sa opisyal, maliban sa inaasahang dagdag-sahod, patuloy ding matatanggap ng mga empleyado ang kanilang mga allowances, midyear bonus, year-end bonus, cash gift at Productivity Enhancement Incentive (PEI).

Samantala, ang ika-4 naman na bahagi ng salary increase ay inaasahang maisasakatuparan sa taong 2019.