‘Lahat ng konektado, legal fronts ng NPA, aarestuhin’ – Duterte

Image from PCOO Facebook page

Binalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga legal fronts ng New People’s Army (NPA) na kinabibilangan ng mga militanteng grupo, mga kasapi ng Communist Party of the Philippines (CPP) at National Democratic Front (NDF) na sila’y aarestuhin.

Ayon sa ulat ng GMA, muling inihayag ni Duterte na kanyang idedeklarang terorista ang NPA.

We will treat you as criminals. We will arrest you, including legal fronts; legal fronts helping to topple government, sow terror,” ayon kay Duterte.

At ‘yung mga legal fronts ninyo, alam ko… ‘Wag na lang tayo magbolahan, galing ako diyan eh. You are helping each other conspiring to topple or whatever, to sow terror. We will treat you as a criminal, period. And we will arrest everybody connected with ‘yung mga legal fronts nila,” dagdag pa nito.

Nauna nang inihayag ng Punong Ehekutibo na pinutol na niya ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at NPA

Ang pagkamatay ng 4-na-buwang sanggol ang lalong nagpagalit kay Duterte sa NPA.

Kaya magpatay sila ng bata, bakit pa ako makipag-usap sa kanila? Every time may ceasefire, pinapatay nila sundalo ko, pati police ko niyayari nila. Eh ‘di giyera na lang,” ani Duterte.

Nitong Nobyembre 22, sinabi ni Peace Adviser Secretary Jesus Dureza na kinansela na ng gobyerno ang peace talks sa magkabilang panig kasunod ng pahayag ng Pangulo. Ngunit nilinaw nito na posible pa rin ang peace talks kung kaaya-aya ang kapaligiran.

Sinabi ko na kay Dureza pati kay [Labor Secretary and government peace panel chief negotiator Silvestre] Bello, nandoon sila sa labas, ‘Tell the idiots, I am no longer talking to them,'” saad ni Duterte.