Marriage proposal na isinabay sa flag ceremony sa Sarangani, kinagiliwan sa social media

Image capture from video by Sarangani Ppo Pcr vai Facebook

MANILA, Pilipinas  –  Kinilig sa tuwa ang mga netizen matapos mapanood ang isang kakaibang marriage proposal na isinabay sa flag ceremony sa Sarangani Police Provincial Office (SPPO) nitong Lunes ng umaga.

Sa video na ibinahagi ng Facebook page na Sarangani Ppo Pcr, makikita ang isang lalaki na nakilalang si  Pastor Bryan A. Aungon, Provincial Peace Educator at miyembro Provincial Advisory Council, na nag-propose sa kanyang kasintahan habang napaliligiran ng ilang pangkat ng pulis.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, kasalukuyang ginaganap ang flag ceremony nang gawin ni Aungon ang proposal at mismong si Sarangani Police provincial director  Senior Supt. Joseph Semillano pa ang nagdala ng bulaklak para iabot ng pastor sa kanyang kasintahan.

Habang napaliligiran ng mga natutuwang pulis at mga kasamahan, ipinahayag ni Aungon ang kanyang pagmamahal sa nobya bago ito lumuhod para ialay ang singsing.

Hiyawan naman sa tuwa at kilig ang mga nakasaksi at ang iba’y nagsaboy pa ng bulaklak sa magkasintahan.

Hindi naman nabigo ang lalaki dahil mangiyak-ngiyak pa ang kanyang nobya bago ito tumugon ng “Yes!”

Nagpasalamat din si Aungon sa kooperasyon ng mga pulis para maging matagumpay ang kanyang proposal.

Base sa nasabing post, nakatakdang mag-isang-dibdib sa Enero 20, 2018 ang magkasintahan,

Panoorin: