Mas malaking plaka ng motorsiklo, hindi sinang-ayunan ng motorcycle riders group at ilang mambabatas

Image capture of video by ABS-CBN

Sa Senado ay aprubado na ang panukalang magkaroon ng mas malaking plate number ang mga motorsiklo, subalit sa mababang kapulungan ng kongreso ay patuloy pa rin itong pinagdedebatehan.

Hati ang mga kongresista sa panukalang lakihan ang plaka ng motorsiklo bilang pangontra sa pagtaas ng bilang ng krimen na kinasasangkutan ng mga kriminal na gumagamit ng mga motorsiklo.

Ayon sa ABS-CBN, sa ilalim ng panukala, ang dating 4 x 8 inches na sukat ng plate number ay magiging 6 x 9 inches na upang madaling mabasa.

Sinang-ayunan ito ni Samar 1st District Rep. Edgar Mary Sarmiento.

Aniya, kailangan niyang suportahan ang panukala dahil grabe na umano ang patayan na kinasasangkutan ng riding-in-tandem (RIT) sa  distritong kanyang nasasakupan.

Tutol naman dito si Bukidnon 3rd District Rep. Manuel Zubiri na niniwalang ang Philippine National Police ang dapat kumilos laban sa mga RIT.

Ani Zubiri, bago pa man magamit ng kriminal ang motorsiklo ay dapat mahuli na ito ng mga pulis.

Nagpahayag din ng pagtutol sa panukala ang isang grupo ng mga motorcycle riders. Anila, ang mga kriminal ay hindi naman gumagamit ng sarili nilang motorsiklo kapag gumagawa ng krimen.

“Ang kriminal, hindi siya gagamit ng sarili niyang motorsiklo,” giit ni Robert Perillo, pangulo ng Bulacan Motorcycle Riders Federation.

 

Source :

ABS-CBN, YouTube