Mga lokal na opisyal ng Marawi, naluha nang personal na makita ang nawasak na siyudad

Image capture of video by ABS-CBN

Maraming beses na nilang nakita ang pagkawasak ng Marawi City dahil sa limang-buwang digmaan na naganap doon, ngunit ang mga iyon ay sa larawan at video lamang kaya hindi napigilan ng mga lokal na opisyal na maluha nang personal nila itong nakita.

Ayon sa ABS-CBN, sa unang pagkakataon ay pumayag ang militar na pasukin ng mga mamamahayag at ng mga opisyal ng Marawi City ang “ground zero” o ang pinakasentro ng matinding bakbakan na naganap sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at Maute Group.

Napaluha na lamang ang mga opisyal sa kanilang nadatnan. Durog na durog ang lugar at tila wala nang mapapakinabangan pa sa mga gusali at mga bahay na nawasak dahil sa airstrikes na isinagawa ng militar kontra sa mga terorista na nagkanlong sa isang malaking mosque doon.

“Very hurting, very discouraging on our part, wala na kaming babalikan doon,” ani Cairon Dimatingcal, chairwoman ng Brgy. Lumbac Madaya.

Sabi naman ng city councilor na si Farhana Norilangco, “Ako kasi tinitiis ko, parang mako-collapse ako since nakita ko ito ngayon.

Paliwanag ni Marawi City Mayor Majul Gandamra, sinadya niyang papasukin ang mga lokal na opisyal upang makatulong ang mga ito sa pagpapaliwanang sa mga residenteng babalik sa siyudad kung ano ang kanilang madaratnan.

“At least medyo conditioned na ‘yong kanilang pag-iisip na ang kanilang mararatnan dito ay, of course, they have to expect the worst,” ani Gandamra.

 

Source :

ABS-CBN, PIA