Mga sugatang sundalo binigyan ng parangal ni Duterte

Imahe mula sa Twitter account ng GMA

Ginawaran ni Pangulong Rodrigo Duterte ng Order of Lapu-Lapu rank of Kampilan ang 26 na sugatang sundalo sa Philippine Army General Hospital sa Taguig City.

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, ang parangal ay ibinibigay sa mga kawani ng gobyerno na nasugatan habang tinutupad ang kanilang tungkulin sa bayan.

Maliban pa sa pagkilala, binigyan din ng Punong Ehekutibo ng cash assistance, gun certificate at cellphone ang mga sugatang kawal.

Ang mga sundalong ito ang nakipagbakbakan sa teroristang Maute group sa Marawi City.

Kabilang rin sa pinarangalan ang anim na mga sundalo na nasugatan habang nakikipaglaban sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at sa iba pang elemento na kalaban ng estado.

Wika pa ni Duterte, isa sa mga prayoridad ng kanyang pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga anak ng mga sugatan o kaya ay napapaslang na mga sundalo.

Ilan dito ang libreng edukasyon at livelihood program para sa pamilya ng mga sundalo.