Mga testigo ni Bongbong, hindi rehistradong botante, ayon sa kampo ni VP Leni

Images from DF Balita Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Inakusahan ng mga abogado ni Vice President Leni Robredo ng tangkang panlilinlang sa Supreme Court, na nauupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET),  ang kampo ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos dahil sa pagbibigay ng maling impormasyon.

Ayon sa manifestation na inihain sa PET nina Atty. Romulo Macalintal at Atty. Maria Bernadette Sardillo, mga abogado ni Robredo, ilan sa mga pangalang isinumite ng kampo ni Marcos bilang testigo sa electoral protest ay hindi mga rehistradong botante sa mga presinto sa probinsiya sa Mindanao.

Ang ilan naman umano ay hindi man lamang mga rehistradong botante noong nakaraang 2016 election.

“In his vain attempt to convince the Honorable Tribunal to conduct a technical examination of election documents in the provinces of Lanao del Sur, Maguindanao, and Basilan, Marcos has practically resorted to misleading if not totally deceptive representation,” ani Macalintal.

Ayon ba kay Macalintal, dalawang beses din umanong hindi nakapag-comply ang kampo ni Marcos nang hingan ito ng PET ng listahan ng 3 testigo sa bawat clustered precinct na nakasama sa protesta.

At nang muling bigyan ng pagkakataon ng PET, nagsumite umano ang mga abogado ni Marcos ng listahan na may 8,000 pangalan, subalit marami raw sa mga ito ay hindi registered voters.

“Contrary to these baseless claims, if not outright falsehood, the alleged witnesses identified by protestant Marcos are not registered voters,” paliwanag pa ni Macalintal.