Negosyanteng lasing na nang-araro ng mga sasakyan, hindi raw alam ang nangyari

Image capture of video by Crisdale Aguilar Pasion via Facebook

Isang lalaki na diumano ay negosyante ang inaresto ng mga pulis matapos nitong mang-araro ng mga sasakyan sa kahabaan ng Commonwealth Avenue sa Quezon City Martes ng gabi, ika-21 ng Nobyembre.

Nakunan sa video ng saksing si Crisdale Aguilar Pasion ang ilang bahagi ng pangyayari at ibinahagi sa kanyang Facebook account kung saan mayroon na itong halos 2 million views.

Sakay ng isang UV Express si Pasion nang banggain sila sa tagiliran ng isang Nissan Patrol na minamaneho ni Niño San Gabriel.

Hinabol ng driver ng UV Express na si Benjamin De la Cruz ang SUV at nang maabutan ay hinarang ng driver ang van sa harap ng Nissan Patrol. Sa puntong iyon ay nagbabaan na ang mga pasahero, kabilang ang nag-upload ng video na si Pasion. Ngunit nang makababa na ang mga pasahero ay muling binangga ni San Gabriel ang UV Express.

Ilang mga Barangay Tanod at saksi ang humabol sa SUV. Nang maabutan sa Barangay Holy Spirit ay hinarang ni Richard Venturina, isang public order and security office, ang kanyang motorsiklo habang hinihingi ng mga pulis na rumesponde ang lisensya ni San Gabriel.

Bigla na namang pinaharurot ng negosyante ang kanyang sasakyan at nakaladkad ang motorsiklo ni Venturina. Isang kotse rin ng boluntaryong humabol ang binangga ni San Gabriel.

Nang makarating sa Barangay Don Antonio ay binaril at tinamaan ng pulis ang gulong ng SUV. Napilitang basagin ng mga pulis ang salamin ng Nissan Patrol nang ayaw magbukas ng bintana ang suspek. At nang mabasag na ang salamin ay tinutukan pa sila nito ng baril.

Nakainom po kasi kaya hindi masyadong makausap nang maayos. Hindi raw n’ya alam ang nangyari dahil nakainom,” ani Police Officer 1 Dexter Tomi, isa sa mga rumespondeng pulis.

Mahaharap ang suspek sa patung-patong na kaso kabilang ang illegal possession of firearms, direct assault, disobedience to person in authority, at reckless imprudence resulting in damage to property.

Source :

Facebook, ABS-CBN