Pagpatay ng 2 Pulis-Caloocan kay Carl Angelo, intensiyonal

Image capture of video of ABS-CBN

Intensiyonal ang pamamaslang. Ito ang lumabas sa pagsisiyasat na isinagawa ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) sa kaso ng pagpatay sa tinedyer na si Carl Angelo Arnaiz, na diumano ay nangholdap ng taxi.

Sinabi sa ulat ng Rappler na isiniwalat ni PNP-IAS chief Inspector General Alfegar Triambulo nitong Miyerkules, ika-22 ng Nobyembre, ang natuklasan ng kanyang probe team.

Ayon umano kay Triambulo, ipinapakita raw ng posisyon ng biktima at ng pinasukan ng bala na si Carl Angelo ay intensiyonal na pinatay.

Ang natuklasan ng PNP-IAS ay tugma sa pahayag ng Public Attorney’s Office (PAO) na naunang nagsabing sadyang pinatay ang biktima.

Batay sa findings ng kanilang imbestigador, inirekomenda ng PNP-IAS na masibak sa serbisyo sina Police Officer 1 Jeffrey Perez at Police Officer 1 Ricky Arquilita – ang dalawang pulis-Caloocan na sangkot sa pagpaslang kay Arnaiz. Grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer umano ang ginawa ng dalawang pulis.

Bukod sa kasong administratibo, haharapin din nina Perez at Arquilita ang double murder na reklamong isinampa ng PAO laban sa kanila.

 

Source :

Rappler, ABS-CBN