PANOORIN: Love story nina Nerissa at Johnny na may conjoined twin

Imahe mula sa video ng Rated K Facebook page

Conjoined twins at habang buhay na magkadikit ang magkapatid na sina Johnny at Tony.

Dahil sa kakaibang porma ng kanilang katawang magkadikit at tila hindi na mapaghiwalay, madalas silang nagiging tampulan ng tukso sa kanilang lugar sa Pampanga.

Mahirap ang malagay sa sitwasyon na magkadikit ang katawan lalo pa kapag lumalaki ang mga ito, at habang sila ay lumalaki naiisip nila kung bakit kakaiba sila kaysa sa mga  ibang batang normal.

Sa programa ng ABS-CBN na Rated K ay nakapanayam ni Korina Sanchez ang kambal.

“Kasi sa kalagayan namin hirap kaming tumakbo, kinukutya kami ng mga tao. Ay, talagang itong kapalaran namin ay tanggap namin na po,” saad ni Johnny at Tony.

Dahil may mga taong mapangkutya sa mga katulad nila, hindi na ninais ng magkapatid na magtapos sa kanilang pag-aaral. Subalit kahit hanggang ikalawang baitang lamang ang kanilang natapos ay marunong naman silang magbasa at magkuwenta.

Bago pa man sila naulila sa kanilang mga magulang ay natutunan naman nila kung paano mamuhay nang marangal.

Natuto rin sila kung paano gumamit ng motorsiklo. Iyon na ang kanilang ginagamit upang makarating sa night market o peryahan at doon ay nagluluto sila ng popcorn na kanilang paninda.

Minsan, kung saan sila abutan ng gabi ay doon na lamang din sila natutulog. Dahil sa matinding pagod sa pagtitinda, sa loob sila ng tricycle naglalagay ng banig upang doon matulog.

Paano na nga ba kapag nag-asawa na ang isang kambal?

Mahirap nga ba para sa isang kambal ang magkaroon ng kabiyak ang kakambal nito?

Sa sitwasyon ng dalawa ay pinag-usapan daw nila ito… ang pag-aasawa ni Johnny. Sumang-ayon  na rin si Tony na mag-asawa ang kakambal niya.

Sa ngayon ay pitong taon nang nagsasama si Johnny at ang kanyang asawa – pati na rin siyempre si Tony. Kasalukuyan silang magkasama sa iisang bahay.

Ang asawa ni Johnny na si Nerissa ay kalapit-bahay lamang nila at isa na ring biyuda kaya naman nang nagkapalagayan ng loob ay napasagot na rin ni Johnny si Nerissa hanggang sa inaya na niya itong maging asawa.

Sa umpisa ay nahihiya pa raw si Nerissa hanggang sa tumagal ay nasanay na rin at parang wala na lamang sa kanya ang sinasabi ng ibang tao hinggil sa kanya at sa kanyang asawa.

Nang tanungin siya kung pangmatagalan na nga ba ang nararamdaman niya  para kay Johnny, tugon niya’y:” Siguro po kasi mabait naman po siya.” 

Nang tanungin naman si Tony na kung pagdating ng panahon at siya ay may magustuhan na ring  mapangasawa, “Okay naman po sa kanila,” sagot niya.

Dahil puro kayod ang tatlo sa pagtatrabaho, binigyan sila ng Rated K ng pagkakataon upang makapagpahinga at makapagrelax naman. Isang dinner date ang pinaranas kanila ng programa!

Hindi lamang iyon; ipinasyal din sila sa Vista Tala Resort and Recreational Park sa Orani, Bataan.

Dahil sa kalumaan ng kanilang motor ay binigyan din sila ng Rated K ng isang bagong motorsiklo. At upang madagdagan ang kanilang kita ay binigyang-katuparan na magkaroon sila ng matagal na nilang pangarap na Food Cart Business sa tulong ng kaibigan ng programa.

May balak na ring magpakasal sina Nerissa at Johnny at best man daw nila ang kakambal na si Tony

Kahit ano pa man ang sabihin ng iba ay paninindigan pa rin nila ang kanilang pagmamahalan kadikit man si Tony sa kanilang pagsasama, ani Johnny at Nerissa.

Panoorin ang love story ni Johnny at Nerissa kasama ang “third wheel” na si Tony.