Patuloy na recruitment ng Pro-ISIS sa palibot ng Lake Lanao, bineberipika ng AFP

Image capture of viceo by UNTV News and Rescue

Nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pagtutuunan nila ng pansin ang mga sinasabing patuloy na recruitment ng mga Pro-ISIS sa mga lugar sa palibot ng Lake Lanao.

Sa ulat ng Inquirer, sinabi umano ni Col Romeo Brawner, ang deputy commander ng joint Task Force Ranao, sa isang press conference sa Marawi City nitong Miyerkules, ika-22 ng Nobyembre, na nakatatanggap ang militar ng mga report na nagsasabing patuloy ang mga nagaganap na recruitment activities sa paligid ng Lake Lanao.

Aniya, nakikipag-ugnayan ang AFP sa lokal na pamahalaan at sa mga mamamayan ng mga munisipalidad upang makatulong ang mga ito sa militar na mapigilan ang pagre-recruit at pagsapi ng mga kabataan sa mga gawaing terorista.

Nauna rito, binalaan ni Brawner ang sinumang nag-iisip na sumapi sa teroristang grupo. Payo niya, huwag silang magpapasilaw sa alok na pera ng mga nagre-recruit dahil kamatayan lang ang naghihintay sa kanila tulad ng sinapit ng nasa isanlibong mga miyembro ng Maute Group na napatay sa limang-buwang digmaan sa Marawi City.