Peace talks sa pagitan ng pamahalaan at NPA pinutol na ni Duterte

Image from PNI News/ DFN Files

Pinutol na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang peace talks sa pagitan ng pamahalaan at ng New People’s Army (NPA).

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay kasunod ng ginanap na “Ang Huling Tikas Pahinga” bilang pagbibigay-pugay sa mga Bayani ng Marawi sa Taguig City.

Ayon sa ulat ng Bombo Radyo, inatasan na ni Duterte sina Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza at government chief negotiator Labor Sec. Silvestre Bello III na sabihan ang mga kausap sa Netherlands na hindi na siya ‘available’ sa anumang opisyal na pag-uusap.

Wika pa ng Punong Ehekutibo, digmaan na lamang daw at kailangan niya ng isang malakas na kasundaluhan.

Saad pa ng Pangulo, maraming mga demand ang mga rebelde, na hindi maaaring ibigay at hindi reasonable para sa kanya.

Muli namang inihayag ng Pangulo ang  balak na ideklarang terorista ang New People’s Army (NPA).

As of yesterday I have decided to cut talks with NPAs,” ani Pangulong Duterte. “Sinabi ko kay Dureza pati kay Bello, you tell the guys there sa Netherlands, I’m no longer available for any official talk. Giyera na lang tayo. So I have to build a strong army,” ani Duterte.

Matatandaan nitong Setyembre ay inihayag ni Duterte na ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng NPA at gobyerno ay pag-aaksaya lamang ng pera.