Pinoy na sumagip sa Saudi national na na-trap sa baha, pinarangalan

Image from AKO OFW Inc. Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Pormal na binigyan ng parangal ang isang overseas Filipino worker (OFW) na matapang na lumusong sa baha para lamang sagipin ang isang lalaki na na-trap sa baha sa Jeddah kamakailan.

Nag-viral ang video ng pagsagip ni David Balendo sa isang may-edad na Saudi national na hindi makalabas sa kanyang sasakyang nakalubog sa baha bunsod ng malakas na pag-ulan.

Umani ng papuri ang Pinoy dahil sa kanyang katapangan sapagkat hindi ito nagdalawang-isip na lumusong sa tubig habang ang mga rescuers ng Civil Defense ay hinihintay pang humupa ang baha.

“I saw the man trapped in the water. I did not hesitate, I left the car I was driving and rushed to save him. Civil defense men were watching me saving him,” kuwento ni Balendo sa panayam ng Almowaten.

“I knew I had to jump and brave the floods in order to save ‘Baba’,” dagdag pa nito.

Sa larawang ibinahagi ng Facebook page na AKO OFW Inc., makikitang binibigyan ng parangal si Balendo ng isang Saudi official. Hindi naman nabanggit pa kung anong klaseng parangal ang iginawad sa Pinoy.

Maraming netizen at kapwa-OFW ang humanga kay Balendo dahil sa ipinakita niyang katapangan.

“Ito ay patunay lamang na ang bawat OFW ay may dugo ng kabayanihan at pagmamalasakit sa kapwa,” anang naturang post sa Facebook.

Video ng pagsagip: