Posibleng pag-aresto sa mga ‘legal fronts’ ng komunista, may legal na basehan – Malakanyang

Image from Harry Roque's Facebook account

MAYNILA, Pilipinas – Iginiit ng Palasyo na mayroong legal na basehan ang magiging utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga ‘legal fronts’ ng komunista sa bansa, o yaong mga makakaliwang grupo.

Paliwanag ni Harry Roque, tagapagsalita ng Pangulo, alam umano ni Duterte ang kaniyang sinasabi dahil sa kanyang karanasan bilang isang dating public prosecutor.

“The President as public prosecutor has said that conspiracy is sufficient basis to accuse them of both rebellion and acts of terrorism because in a conspiracy, the act of one is the act of all,” wika ni Roque sa isang press briefing sa Malakanyang nitong Huwebes.

Matatandaang binalaan ni Duterte ang CPP-NPA na maglalabas siya ng isang proklamasyon kung saan ituturing nang mga terorista ang komunistang grupo.

Maliban dito, ipag-uutos niya rin umano ang pag-aresto sa mga grupong nagsisilbing ‘legal front’ ng komunista sa bansa.

Ayon kay Roque, kahit hindi man humawak ng armas ang mga nasabing grupo, maaari na silang arestuhin dahil sa paglabag sa Human Security Act hinggil sa pakikipagsabwatan sa mga gawaing rebelyon at kaparehong krimen.

“Even if they did not physically take up arms, if they are part of a conspiracy to commit acts of terror or rebellion, then they can be held liable under the theory of a conspiracy,” dagdag pa ng opisyal.

Ganunpaman, nilinaw ni Roque na hindi lahat ng itinuturing na ‘legal fronts’ ay maaaring arestuhin bagama’t tumanggi siyang pangalanan ang mga grupong ito.