RJ Nieto a.k.a. Thinking Pinoy, hindi natinag sa isinampang libel case ni Senador Trillanes

Image from Thinking Pinoy 's Facebook page

Hindi nagpatinag si Rey Joseph “RJ” Nieto, na mas kilala bilang ang blogger na si “Thinking Pinoy”, sa isinampang libel case ni Senador Antonio Trillanes IV laban sa kanya.

Ayon sa Radyo Inquirer, nagsampa ng kasong cyber-libel case si Senador Trillanes laban kay Nieto sa Pasay City Prosecutor’s Office noong Miyerkules, ika-22 ng Nobyembre, kaugnay ng Facebook post ng blogger noong ika-31 ng Oktubre na nagsabing tinawag ni US President Donald Trump na drug lord ang senador.

Sa panayam naman ng RMN kay Nieto, sinabi umano ng blogger na dalawang taon na siyang nagba-blog at handa siya sa anumang magiging reaksyon sa mga isinusulat niya. Aniya, sa tuwing nagsusulat siya ay pinag-aaralan niya kung legal ba o hindi ang ginagawa niya.

“So, 2 years at blogging at dumating ‘yan hindi na ako nagugulat, ok lang. Ganun talaga ang buhay. Kasi may pinag-aralan ako, alam ko ‘yung mga ginagawa ko. Ako, bawat isang ginagawa ko pinag-aaralan ko kung legal ba o hindi. So hindi ako natatakot kasi alam ko naman ‘yung ginawa ko eh. Eh ngayon, hindi ko alam kung anong klaseng legal acrobatics ang gagawin ni Trillanes para makumbinsi ang mga hukuman,” paliwanag ni Nieto.

Dagdag pa ng blogger, hindi pa niya natatanggap ang kopya ng demanda ni Trillanes. Saka na  lang daw siya magdedesisyon kung ano ang susunod niyang hakbang kapag natanggap na niya ang kopya ng asunto ng senador.