Tatlong kampo ng BIFF sa North Cotabato, nakubkob ng militar

Image capture of video by ABS-CBN

Nakubkob ng mga sundalo ang tatlong kampo na pinagkutaan ng mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Carmen, North Cotabato matapos ang ilang araw na operasyon laban sa mga terorista.

Ayon sa ulat ng Philstar, sinabi ni Capt. Arvin Encinas, ang tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, noong Lunes, ika-20 ng Nobyembre, na sunud-sunod na nakubkob ng tropa ng pamahalaan ang mga nasabing kampo sa Barangay Tonganon, sa bayan ng Carmen.

Dakong 9:15 ng umaga nang masakop ng militar ang unang dalawang kampo kung saan nakita ang 12 kubo na maaaring tirahan ng 100 katao. Ilang mga gamit sa kusina, mga grocery items, baterya, mga sari-saring gamot, cellphones at iba pa ang narekober sa nasabing kampo.

Dakong alas-dos naman ng hapon nang makubkob ng mga sundalo ang ikatlong kampo ng grupong pinamumunuan umano ni Abu Turayfe; isa sa mga lider ng BIFF na bumuo ng sariling grupo at sumumpa ng suporta sa ISIS.

Wala na umano ang mga terorista nang makubkob ang mga kampo.

Ayon naman kay Maj. Gen. Arnel de la Vega, commander ng 6th Infantry Division ng Army, patuloy nilang bina-validate ang mga impormasyon mula sa mga residente ng lugar na mayroon umanong kasamang mga foreign fighters ang BIFF.