‘Thinking Pinoy’ pormal nang sinampahan ng kasong libel ni Trillanes

Images from DF Balita Files/ Whereinbacolod Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Pormal nang sinampahan ng kasong libelo ni Senador Antonio Trillanes si Rey Joseph Nieto ng ‘Thinking Pinoy’ blog dahil sa pagtawag sa kanya ng huli na isang ‘drug lord’.

Nag-ugat ang kaso ni Trillanes sa isang artikulo ng Philippine Star na sinulat ni Al Pedroche kung saan tinawag umanong ‘Little Narco’ ni US President Donald Trump si Trillanes. Isa pang artikulo sa Philstar na sinulat naman ni Mary Ann Reyes ang tumalakay din sa kaparehong kuwento.

Ang nasabing mga artikulo ay ibinahagi ni Nieto sa kanyang Facebook page na may headline na”TRUMP CALLS TRILLANES A DRUG LORD.”

Pareho nang tinanggal ng Philstar ang nasabing mga artikulo at humingi na rin ng paumanhin si Pedroche kay Trillanes matapos malamang hindi ito totoo.

Subalit nagmatigas is Nieto at tumanggi itong humingi ng paumanhin kay Trillanes at iginiit na ang kanyang source ay ang artikulo ng Philstar. Tinawag ring ‘idiot’ ni Nieto ang senador sa kanyang mga sumunod na post.

“What’s interesting in this entire brou-ha-ha is that Trillanes seems to have spared Philstar columnist Mary Ann Reyes, and ABS-CBN stringer Mike K Cohen. Instead, the idiot focused only on me, an independent blogger,” ani ‘Thinking Pinoy’.

Ayon sa reklamo ni Trillanes: “Respondent Nieto did not even cite the source or the news outfit (as there was indeed none) that purportedly conducted the supposed interview where the President of the United States allegedly uttered those words.”

Bilang kilala umanong die-hard na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, malinaw umano na ang naturang post ni Nieto ay layunin lamang na sirain ang kanyang pangalan, ayon pa sa senador.

Si Trillanes ay humihingi ng danyos-perwisyos na nagkakahalaga ng mahigit P2-M – P1-M para sa moral damages, P1-M para sa exemplary damages at karagdagang P250,000 para sa attorney’s fees.