Trillanes, Lacson pumalag sa pagbasura ng DOJ sa kaso ni Faeldon

Images from Federal Philippines Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Hindi napigilan nina Senador Antonio Trillanes IV at Panfilo ‘Ping’ Lacson na magbigay ng reaksyon matapos ibasura ng Department of Justice ang kasong kaugnay sa illegal drugs laban kay dating Customs chief Nicanor Faeldon.

Para kay Lacson, malinaw ang partisipasyon ni Faeldon sa P6.4-B shabu shipment dahil hindi ito makalulusot sa Customs kung walang pahintulot ng mga nakatataas na pinuno ng ahensiya.

“Simple logic will tell us that, at the very least, those under whose watch the drug shipment passed through should be held criminally liable as well,” ani Lacson, chairperson ng Senate committee on public order and dangerous drugs.

Si Lacson din ang nagbunyag sa pamamagitan ng privilege speech sa umano’y pagtanggap ni Faeldon ng P100-M bilang ‘welcome gift’ mula sa mga importers at brokers nang maupo ang huli bilang hepe ng Customs.

Samantala, hindi naman mapigilan ni Trillanes na iugnay ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa naging desisyon ng DOJ sa kaso ni Faeldon.

“Kapag mga mahihirap, patay agad. Pero kapag alagad ni Duterte, abswelto sa kaso. Ang tanong ngayon, sino na ang responsable sa pagpasok ng P6.4-billion shabu? ‘Yung security guard ng customs? Mr. Duterte, pinagloloko mo ‘yung mga tao,” wika ni Trillanes sa isang pahayag.

Maging sina Senador Bam Aquino at Francis ‘Kiko’ Pangilinan ng Liberal Party (LP) ay may duda rin sa desisyon ng DOJ.

“Kakaiba iyan. Sa aming pagdinig sa Senado, kitang-kita na hindi mangyayari ang pagpasok ng droga sa bansa kung walang kasabwat sa loob ng BOC. It takes two to tango,” ani Aquino.

“May pattern dito. Pagka kakampi pinapalusot. Similar sa Albuera mayor killing, sinabi ng senado murder pero pagdating sa DOJ downgraded,” wika naman ni Pangilinan.