[Video] Panawagan ni Ryan kay Danica: Huwag mo ikuwento kay Bossing, baka matanggal ako sa Showtime

Mga imahe mula sa Facebook page na Vic Sotto at Youtube video na Kapamilya Trending

Ipinaalala ng komedyanteng si Ryan Bang sa aktres na si Danica Sotto ang pangako nito sa kanya na hindi sasabihin sa ama nitong si Vic “Bossing” Sotto ang lahat ng napagkuwentuhan nila noong minsan, sapagkat maaari raw siyang matanggal sa It’s Showtime.

Sa It’s Showtime, ibinahagi ni Vice Ganda na kamakailan lamang nakilala ng Koreanong si Ryan sina Danica at isa pang aktres na si Cheska Garcia. Dahil hindi alam ni Ryan na ama ni Danica si Bossing, naibahagi niya sa aktres ang lahat ng mga bagong segment at mga iba pang dapat abangan sa It’s Showtime; na katapat ng palabas na kinabibilangan ng tatay nito sa kabilang istasyon na Eat Bulaga.

“Pinakita ni Danica ‘yong picture, ”Yan ang asawa ko.’ Ta’s kuwento siya nang kuwento, ‘Kami sa Showtime ganito, ganito, chu chu chu chu chu chu.’ Ang dami niyang kinuwento! ‘At saka sa susunod ganito iyong mga bagong segment namin…. May mga ganito ngang grupo na darating.’ Ta’s tinintingnan niya mga picture ni Danica, [sabi niya] “Ay kasama mo Bossing?” kuwento ni Vice.

Sinabi ni Danica na ama niya si Bossing. Noong una raw hindi pa naniniwala si Ryan, kahit pa pinakitaan pa siya ng aktres ng larawan nila ng ama noong bata pa siya.

Nang nasiguro niya kung ano ang totoo, nakiusap si Ryan kay Danica na huwag sabihin kay Bossing ang napag-usapan nila.

Matapos ang kuwento ni Vice, humingi ng tawad si Ryan sa direktor ng noontime show.

“Direk, sorry po talaga. Naikuwento ko lahat ng segment ng show, kasi akalain ko ba na tatay niya si Bossing. Pero direk, promise ni Danica na hindi siya magkukuwento sa tatay niya,” ani Ryan.

Nanawagan siya kay Danica.

“Danica, huwag mo ikuwento kay Bossing, baka matanggal ako dito,” wika niya.

May pakiusap din siya kay Bossing: “Bossing, kahit sabihin sa iyo ng anak mo, huwag mong gawin doon,” pakiusap ni Ryan.

Narito ang nakakatawang video:

Source :

YouTube