2 Pinoy na naaresto sa Malaysia, itinanggi ang kaugnayan sa Abu Sayyaf

Hajar Abdul Mubin| Image from The Star Online

Kapwa itinanggi ng dalawang Pilipino na naaresto sa Malaysia ang kanilang umano’sy pagkakasangkot sa teroristang grupong Abu Sayyaf (ASG).

Ayon sa Star Online, parehong humiling ng pagdinig sa kanilang kaso sina Hajar Abdul Mubin alyas “Abu Asrie”, 25, at ang kaniyang bayaw na si Abdul Syamir Dabilin, 25.

Si Mubin ay sinampahan ng kasong paglabag sa Section 130KA ng Malaysian Penal Code dahil sa pagiging miyembro umano ng ASG simula noong 2010, habang si Dabilin ay nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 130M ng Penal Code.

Ang dalawang Pinoy ay kasama sa apat na naaresto noong nakaraang Agosto, ilang araw bago ganapin ang 29th SEA Games. Ang iba nilang kasamahan ay kapwa-Malaysian national.

Si Mubin ay pinaniniwalaang kasapi ng Lucky 9 kidnap-for-ransom group na nakabase sa Jolo at may kaugnayan sa Abu Sayyaf.

Kapag napatunayang nagkasala, si Mubin ay posibleng  maharap sa parusang habambuhay na pagkakakulong habang si Dabilin naman ay maaaring makulong ng hanggang pitong taon.

Itinakda ng korte ang pagdinig sa kanilang mga kaso sa darating na Enero 11 sa susunod na taon.