BSP, nag-isyu ng mga perang papel na may ‘enhanced designs’ 

Image capture of video by GMA News via YouTube account

Naglabas ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng mga perang papel o banknotes na may “enhanced designs”.

Paglilinaw ng BSP, wala silang binago sa “New Generation Currency”; bagkus, ang naturang “enhanced designs” ay ginawa nila upang mabigyan ng pansin ang likas na yaman, pagpapahalaga sa kasaysayan ng Pilipinas at para sa karagdagang seguridad.

Sa mga perang papel nilabas nitong Disyembre 5, 2017 ay mapapansin ang ilan sa pagbabago tulad ng nasa P200 bill kung saan naka-highlight ang “Declaration of Philippine Independence” at ang “Malolos Congress”; at sa P50 bill na makikita umano ang “Leyte Landing October 1944” sa halip na “Leyte Landing”, ayon sa ulat ng Radyo Inquirer.

Bukod pa rito, inalis din ang katagang “MEDAL OF HONOR” at imahe ng “Order of Lakandula Medal” sa P20, P50, P100, P200 at P1,000.

Sa naturang disenyo ay mapapansin din ang pagbabago ng format ng mga scientific name, font size at “year mark”.

Tiniyak naman ng BSP na mananatiling legal tender ang mga salapi na walang pagbabago sa disenyo.

Panoorin ang iba pang detalye sa video na ito mula sa GMA News: