‘Buwelta’ ng estudyante sa isang text scammer, patok sa Twitter

Images from Shaina Gimao's Twitter post

MAYNILA, Pilipinas  –  Sino nga ba ang hindi nakatanggap ng mga text message mula sa mga scammer?

Sa dami ng mga manloloko ngayon, hindi na nakapagtatakang paminsan-minsan ay makatatanggap tayo ng mga SMS mula sa isang number na hindi natin kilala. Karaniwang layunin ng mga ito ay makapanloko ng tao sa pamamagitan ng text messages.

Mayroong mga nagsasabing nanalo daw sa mga contest at manghihingi ng pera para makuha ang premyo, o kaya naman ay naligaw daw ang kanilang load at kailangang maibalik sa kanila.

Bagama’t talamak na ang ganitong scam, mayroon pa ring mangilan-ngilan na nabibiktima ang mga manloloko.

Karaniwang reaksyon sa mga ganitong scam ay hayaan na lang at huwag nang patulan pa.

Pero iba ang ginawa ng isang estudyante sa isang scammer na nagsabing nanalo daw siya ng pera at laptop mula sa isang kompanya.

Imbes na balewalain lamang, nakaisip ng paraan si Shaina Gimao upang ‘gumanti’ sa naturang scammer.

Ito ang sagot niya: “Congratulations! You have successfully subscribed to Prayer Of The Day! 50 Pesos will be deducted from your load,” at may kasunod na isang quote mula sa Bibliya.

Dahil sa inaakalang totoo, nagkukumahog ang scammer na sumagot kaagad ng “Cancel”. Subalit, sinagot ito ni Shaina ng “Sorry, you have entered an invalid code. Please try again.”

Ibinahagi ni Shaina sa Twitter ang screenshot ng palitan ng kanilang mensahe at pumatok kaagad ito sa mga Twitter users.

Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 65,000 ang retweets at higit sa 147,000 likes.

May kumontak na rin umano kay Shaina mula sa isang international publication upang i-feature ang kanyang nakatutuwang ginawa.

“How to give scammers a mini heart attack,” wika ni Shaina sa kanyang nag-viral na post.