‘Catcalling’ malapit nang ipagbawal sa Maynila

Image from Change.org

MAYNILA, Pilipinas  –  Hindi na uubra ang mga lalaking mahilig manipol o manitsit sa mga babaeng dumadaan sa lungsod ng Maynila; ito ay matapos maaprubahan sa unang pagbasa ang panukalang gawing ‘punishable offense’ ang naturang gawain ng konseho.

Ang panukala ay isinusulong ni Krystle Bacani na may-akda ng Ordinance Number 7857 o “An Ordinance Penalizing Catcalling and Other Forms of Public Sexual Harassment.”

Ang nasabing ordinansa ay pumasa na sa unang pagbasa nitong nakaraang Martes. Kapag tuluyang naipatupad sa lungsod, ang sinumang mahuli na lumalabag dito ay mapaparusahan ng 1 araw hanggang 6 na buwang pagkakakulong at multang hindi bababa sa P1,000 hanggang P10,000.

Bukod dito ang mahuhuli ay kailangan ding sumailalim sa “mandatory gender sensitivity seminar” na isasagawa ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Commission on Women.

Ayon kay Bacani, ang pagsipol, pagsutsot, pagkantiyaw at mga katulad na aksiyon ay isang uri ng sexual harassment na dapat ipagbawal dahil maaaring mauwi ito sa mas seryosong krimen.

“Buti nga raw tinawag kang sexy, compliment ‘yun [They say that it’s a compliment when one is called ‘sexy’]. This mindset is dangerous because it can escalate to more serious sexual offenses,” paliwanag ng konsehala.

Ang Maynila ang pangalawang siyudad sa Metro Manila na magpapatupad ng ganitong batas pagkatapos ng Quezon City na matagumpay na naipasa ang kanilang ordinansa noong nakaraang taon.

Fact-checked against the following source(s) :

Manila Bulletin, Abante Tonite, GMA News